Prayers
Palagiang Nobena (at Pagsisiyam) sa Nuestro Padre Jesus Nazareno
PAMBUNGAD NA AWIT
Nuestro Padre Jesus Nazareno,
sinasamba ka namin,
pinipintuho ka namin.
Aral mo ang aming buhay at kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno,
iligtas mo kami sa kasalanan.
Ang krus mong kinamatayan ay
sagisag ng aming kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno,
dinarangal ka namin.
Nuestro Padre Jesus Nazareno,
Nilul’walhati ka namin.
V. Mga kapatid, lumuhod tayo sa harap ng larawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sambahin natin Siya na nakaluklok sa kanan ng Amang nabubuhay magpakailanman.
V. Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
R. Amen
PAGBASA
V. Mga kapatid, sa pagsisimula ng ating nobena pakinggan po natin ang salita ng Dios.
(1 Pedro 1: 21-25)
Pagbasa sa unang sulat ni Apostol San Pedro
​
21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.
​
22 Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan.
23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos.
24 Ayon sa kasulatan,“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo, gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan. Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
​
V. Ang Salita ng Dios
R. Salamat sa Dios
(I) (Binabasa tuwing Una, Ikaapat, at Ikapitong Araw ng Pagsisiyam, at Una, Ikaapat at Ikalimang Biyernes ng Buwan)
Ang pagtitiis ng hirap
ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos,
sapagkat nang si Kristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan. Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman
Nang siya’y insultuhin, hindi siya gumanti.
Nang siya’y pahirapan, hindi siya nagbanta.
sa halip, ipinaubaya niya ang lahat
sa Diyos na makatarungan kung humatol.
Sa kanyang pagkamatay sa krus,
pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan
upang tayo’y mamatay na sa kasalanan
at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.
Kayo’y pinagaling na
sa pamamagitan ng kanyang mga sugat.
Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naliligaw,
ngunit ngayon kayo’y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol
at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa. (I Pedro 2:21-25)
(II) (Binabasa tuwing Ikalawa, Ikalima, at Ikawalong Araw ng Pagsisiyam, at Ikalawang Biyernes ng Buwan)
“Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin
ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili,
pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito;
ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.
Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili?
Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay?
Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel,
at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama.
Sa panahong iyo’y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. ” (Mateo 16:24-27)
(III) (Binabasa tuwing Ikatlo, Ikaanim, at Ikasiyam na Araw ng Pagsisiyam, at Ikatlong Biyernes ng Buwan)
Totoo ang kasabihang ito:
“Kung tayo’y namatay na kasama ni Hesukristo, mabubuhay din tayong kasama niya. Kung tayo’y nagtitiis ng hirap sa mundong ito, maghahari din tayong kapiling niya. Kapag siya’y ating ikinahiya, ikakahiya rin niya tayo.
Kung tayo man ay hindi tapat, siya’y nananatiling tapat pa rin sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.” (2 Timoteo 1:11-13)
​
RESPONSORIO
R. Hesus Nazareno, aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap
ng papuri at pasasalamat, parangal at paggalang,
kadakilaan at kapangyarihan magpakailanman! Amen.
V. Ikaw ang tanging Anak ng Diyos!
Naging anak ka rin ni Mariang Birheng kalinis-linisan.
Bigay ka ni Maria sa amin
bilang Tagapagligtas at kapatid.
Bigay mo si Maria sa amin bilang Ina namin at pag-asa.
Pinuno mo siya ng grasya.
Punuin mo rin kami ng grasya ng Espiritu Santo:
pag-ibig, kagalakan, kapayapaan,
pagtitiyaga, kagandahang-loob,
kabutihan, katapatan, kaamuan,
at pagpipigil sa sarili. Amen.
R. Hesus Nazareno, aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap
ng papuri at pasasalamat, parangal at paggalang,
kadakilaan at kapangyarihan magpakailanman! Amen.
V. Inilalarawan mo sa amin
ang mukha ng Diyos na di nakikita;
ang Diyos na puspos ng pag-ibig at lipos ng habag.
Katulad mo kami sa lahat ng bagay, liban sa kasalanan.
Sa Binyag kami ay ginawa mong
mga anak ng Diyos na banal.
Sa aming pamumuhay araw-araw maipakita nawa namin
ang nakalulugod sa Ama namin. Amen.
R. Hesus Nazareno, aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap
ng papuri at pasasalamat, parangal at paggalang,
kadakilaan at kapangyarihan magpakailanman! Amen.
V. Lubos mong naunawaan at nadama
kung gaano kasama ang kasalanan
ng bawat tao sa nakaraan, sa kasalukuyan
at hanggang sa katapusan ng panahon.
Sinunod mo ang kalooban ng Ama
na iyong tiisin ang maraming hirap at kamatayan sa krus
para tubusin ang mga tao
mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa
at gawin silang mga saserdote para maglingkod sa Diyos Amang Makapangyarihan sa lahat.
Kami nawa’y makasama mo
sa iyong patuloy na pagtitiis ng kahirapan
para sa kaligtasan ng sanlibutan. Amen.
R. Hesus Nazareno, aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap
ng papuri at pasasalamat, parangal at paggalang,
kadakilaan at kapangyarihan magpakailanman! Amen.
Sapagkat ikaw ay mabuti.
Ang pag-ibig mo’y napakatatag at mananatili,
hindi kukupas, walang katapusan, hindi magwawakas. Amen.
​
MGA PANALANGIN AT KAHILINGAN SA BAWAT BIYERNES NG BUWAN*
(Dinarasal ng Paawit)
UNANG BIYERNES NG BUWAN (Dinarasal din tuwing Una, Ikalima at Ikasiyam na Araw ng Pagsisiyam)
V. Hesus Nazareno, sa mga Katolikong malayo sa simbahan,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga madalang manalangin,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga hinahatulang mamatay,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga labis na pinahihirapan,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga di-marunong magtiis,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga sobra na ang paghihirap,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga mag-asawa sa hirap at dusa,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga ina ng mga suwail,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga yumayaong nag-iisa,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga ayaw manalig sa iyo,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga may anak na magpapari,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga namamanata sa Diyos,
R.maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nagbabaón ng kasalanan,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga bagong lingkod ng Diyos,
R. maawa ka, Panginoon.
​
IKALAWANG BIYERNES NG BUWAN (Dinarasal din tuwing Ikalawa, at Ikaanim na Araw ng Pagsisiyam)
V. Hesus Nazareno, sa mga bayang walang Misa,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga may mabigat na problema,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga di-kayang magtrabaho,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga katulong na dustang-dusta,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga hirap sa paghahanap-buhay,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga di nakararanas ng pahinga,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nag-aalaga ng matatanda,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga mag-inang taga-kalye,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga maysakit na nagtatrabaho,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nagsasamang di pa kasal,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nag-aampon ng anak ng iba,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga namatay sa tabi ng kanilang ina,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga naglilibing ng kaibigan,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nagsisikap magbagong-buhay,
R. maawa ka, Panginoon.
​
​
IKATLONG BIYERNES NG BUWAN (Dinarasal din tuwing Ikatlo, at Ikapitong Araw ng Pagsisiyam)
V. Hesus Nazareno, sa mga paring di na makapagmisa,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga madaling matukso,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga inosenteng nakakulong,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nilalait ng Mass-Media,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nagpapadala sa kapahamakan,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga di makaiwas sa mga bisyo,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga ayaw magpasan ng krus,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga maraming alagang anak,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nataningan na ang buhay,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga maysakit na mangungumpisal,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga di umiibig kay Inang Maria,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga wala nang anak,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga kaluluwa sa Purgatoryo,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga di makasunod sa iyo,
R. maawa ka, Panginoon.
​
IKAAPAT AT IKALIMANG BIYERNES NG BUWAN (Dinarasal din tuwing Ikaapat, at Ikawalong Araw ng Pagsisiyam)
V. Hesus Nazareno, sa mga Katolikong di makapagsimba,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nagpapadasal at nagpapamisa,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga hukom ng mga maralita,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga pulis at guardiang maaasahan,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga nag-iisip pumatay ng bata,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga lumalapastangan ng kagubatan,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga mag-anak na sidewalk-vendor,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga anak ng mga OFW at marinero,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga gutom, uhaw at hubad,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga taong mapaghiganti,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga balo at mga ulila,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga masakim at makasarili,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga naglilibing ng minamahal,
R. maawa ka, Panginoon.
V. Hesus Nazareno, sa mga bagong binyagang Katoliko,
R. maawa ka, Panginoon.
PANGWAKAS NA PANALANGIN
Ama naming makapangyarihan,
niloob mong akuin ng iyong Anak ang krus at kamatayan
upang ang sangkatauha’y matubos at mabuhay.
Ang pag-ako namin sa krus at kamatayan dito sa lupa
ayon sa diwa ng pagsunod sa iyong loob na ginanap ng iyong Anak ay magpagindapat nawang aming kamtin
ang lubos na katubusan at pagkabuhay sa iyong piling
sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo
magpasawalang hanggan. Amen.
​
​
PANGWAKAS NA AWIT
Nuestro Padre Jesus Nazareno,
sinasamba ka namin,
pinipintuho ka namin.
Aral mo ang aming buhay at kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno,
iligtas mo kami sa kasalanan.
Ang krus mong kinamatayan ay
sagisag ng aming kaligtasan.
Nuestro Padre Jesus Nazareno,
dinarangal ka namin.
Nuestro Padre Jesus Nazareno,
Nilul’walhati ka namin.