Prayers
Ang Pagsisiyam Kay
Santa Marta ng Betania
(Magsitayo po ang Lahat)
​
DALIT
Sa dusa't dilang hilahil, at sakunang sapin-sapin,
Martang Pintakasi namin, Kami'y iyong idalangin.
Ano pa nga't tinangkilik Kayong tatlong magkakapatid nang di sapalang pag-
ibig
ng Hari ng daigdig
Biyayang dapat Nasain
sa buong puso'y panimdim
Martang Pintakasi namin, Kami'y iyong idalangin.
Pinagsabihan kang minsan Niyong Gurong maalam, sapagka't Kanyang namasdan
saloob mong kaguluhan nadapat iwaksing tambing kahit sa gawang magaling
Martang Pintakasi namin, Kami'y iyong idalangin.
Sa Kamatayang darating na tantong kalagimlagim
Martang Pintakasi namin, Kami'y iyong idalangin.
Leader: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
​
All: Amen.
​
(Magsiluhod po ang lahat)
​
PAGSISISI
Kataas-taasang Panginoon at lubhang mahabagin naming Mananakop, na sa walang makahalimbawa at di malirip na pagsinta po ng Iyong puso sa amin ay nagkatawang-tao Ka at nagtiis ng kakilakilabot at lalong mababangis na mga kahirapan at karuwahaginan noong Ikaw po'y nabubuhay, lalong lalo na sa panahon ng walang kapantay Mong pagpapasakit at pagkamatay sa kalait-lait na Krus. Alang-alang po dito sa kamahal-mahalan Mo pong pasyon at kamatayan ay ipinagmamakaawa ko po sa Iyo na kahabagan at patawarin Mo po itong maralitang maksalanan na sa kaibuturan ng puso, at sa buong kapakumbabaan at paghihinagpis, ay nagsisisi na po't ikinalulumbay na masakit ang di mamagkanong pagkakasala at kalagim-lagim na kapalamarahang ginawa sa walang hanggan Mong kamahalan na niluluhuran, sisamba't iginagalang ng buong kinapal sa langit at lupa.
Patawarin Mo nga po ako, katamis-tamisan kong Hesus, alang- alang naman sa mga sakit na dinamdam ng kalinislinisan Mo pong Ina, sa mga dakilang karapatan ng lubhang maluwalhating San Jose, at ng Iyong lingkod na si Santa Marta. Tuloy pinagtitikahan ko pong matibay na di na po Kita pagkakasalahan sa tulong ng Iyong mahal na grasya
​
Amen.
PANALANGIN SA ARAW-ARAW
O Mapalad na Santa Marta, ang iyong pananampalataya ang nagudyok upang ipahayag ni Hesus, "Ako ang muling pagkabuhay at buhay;" at pananampalataya rin ang umakay sa iyo upang kilalanin si Hesus hindi lang bilang isang tao nang iyong ipahayag, "Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesias." Taglay ang matibay na pagasa, winika mo,"nalalaman kong kahit ngayo'y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya," at tinawag ni Hesus ang kapatid mong si Lazaro mula sa mga patay. Taglay ang dalisay na pag-ibig kay Hesus, tinanggap mo siya sa iyong tahanan.
Kaibigan at lingkod ng Panginoon, ako rin ay"naliligalig sa maraming bagay" (banggitin dito ang kahilingan), Ipanalangin mo ako upang ako ay lumago sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig upang si Hesus, na dumulog sa iyong hapag, ay makinig sa akin, at magkaloob ng isang lugar para sa akin sa piging ng buhay na walang hanggan.
Amen.
DAY 1
​
MABUTING BALITA (nakatayo)
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay San Lucas (Lucas 9:23-25)
​
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
​
Sinabi ni Jesus "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang mga naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon. Ano nga ang mapapalang tao, makamtan man niya ang buong sanlibutan kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang buhay? Ano nga ang mapapala niya kung siya ay mapapahamak?
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
​
Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
​
(Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay)
​
PAGNINILAY
Ang Pag-ibig sa Diyos at Kasipagan sa Paglilingkod sa Kanya, na siya lamang bagay na kailangan.
​
Masintahing Santa Marta, na sa dakila mo pong pag-ibig sa ating Panginoong Hesukristo, noong Siya ay nabubuhay pa rito sa ibabaw ng lupa, ay pinaglingkuran mong lubha, at dahil naman sa kahusayan ng inyong pamumuhay na magkakapatid na si Lazaro at Santa Maria ng Betania, ang iyong bahay ay tinuluyan ng lubhang maawain nating Mananakop. Minsan sa pagparoon sa iyong bahay ni Hesukristo ay pinagpilitan mong tunay na maglingkod sa Kanya. At sa pagnanasa mong huwag magkulang ng anuman sa kanyang pagkain ay nagpakasipag kang lubha. Inibig mo pang tulungan ka ng iyong kapatid na si Maria na noon ay wiling-wiling lubha sa pakikinig sa katamis- tamisang mga aral ng Mahal na Guro. Dahil nga rito'y naghinanakit kang iyong pinahayag nang magalang, bagama't doon ay nasisinag ang kaguluhan at kaligayahan ng iyong loob; "Panginoon ko," ang wika mo,"di Mo po ba napupuna't pinababayaan ako ng aking kapatid na gumwang mag-isa na ayaw niyang humipo ng anuman? Ipimagmakaawa ko po sa Inyo na Inyong papurituhi't patulungin sa akin." Ang kasagutan ng ating mahal na Panginoon ay nagtuturo sa atin ng dakilang aral: "Marta, Marta," aniya," totoong nababhala ka't naliligalig sa maraming bagay." - Dito'y hindi minamasama ni Hesukristo ang kasipagan sa paglilingkod sa kanya, kundi ang kaligaligan na ikinapapawi ng kapayapaan ng loob.
​
Sinasabi po naman ng mahal na Guro sa iyo, na lalong magaling ang pinagkakaabalahan ni Maria, bagama't walang ginagawa ang kanyang mga kamay, sapagka't ikinaaliw niya ang pakikipanayam sa Kanya, na siyang lalong kailangan at kaaya-aya na sukat makamtan ng mga tao at ng mga anghel.
(Magsiluhod po ang lahat)
​
PANALANGIN
O Santa Martang Pintakasi namin, pinakinabangan mong lubha ang mahal na araw na ito, at di mo binawasan ang iyong kasipagan sa pamimintuho sa Mananakop at bagkus nilakipan mo ng katahimikan at kataimtiman ng loob. Alang-alang po sa biyayang itong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ay ipamagitan mo po naman kami sa kanya, na pakamtan naman sa amin ang lubhang dakilang grasyang mapaglingkuran namin siya ng buong kasipagan at kaningasan ng loob habang kami'y nabubuhay dito sa lupa, at nang purihin at pasalamatan sa langit ang di matingkala niyang kamahalan. Amen.
​
(Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.)
​
PANALANGIN SA MAHAL NA BIRHEN
Kalinis-linisang Birheng Maria, lubhang dakilang Reyna ng mga Anghel at Banal, at kamahal-mahalang Ina ng Diyos, marapatin mo pong tunghayan ng mga mata mong maawain kaming mga maralita't kahabag-habag na makasalanan. Kami po'y buong kapakumbabaan at matibay na nananalig sa pagsasakdal sa lilim ng walang makahalimbawa mong kagalingan at pag-aampon. Natatalastas mo po, Inang lubhang mapagpala, na kami'y laging nalilibot ng di mabilang na mga kapanganibang sukat ikapahamak ng aming kaluluwa't katawan. Saklolohan mo nga kami't ipagtanggol hanggang sa malipat sa panatag na bayan ng dalisay na kaligayahan.
Kahabagan mo naman at papagbaliking loob ang mga di-binyagan, mga erehe't lahat ng nasisinsay sa daan ng pagpapakagaling. Ipamagitan mo sa Diyos upang ipagkaloob sa kanila ang grasya ng tunay na pagsisisi; sa mga banal ay ang pagkasulong sa paglilingkod sa Diyos, at ang banal na pananatili; sa mga naghihingalo'y ang magandang kamatayan; at sa mga kaluluwa sa purgatoryo'y ang pagpapahingalay na walang hanggang, nang kung ang lahat po'y maglingkod nang buong kababaang-loob sa kamahal-mahalan mong Anak ay makinabang sa kanyang Pasyon at kamatayan, na tiniis ng lubhang masintahin niyang puso upang mapagaling lamang ang aming kaluluwa. Ibigin nawa sa lahat ng dako ang Kamahal-mahalang Puso ni Hesus. Matamis na Puso ni Maria, ikaw nawa ang maging kagalingan ko.
Amen.
(Magsitayo po ang lahat)
​
PAGWAWAKAS
Santa Marta, kami ay nagsasaya,
awit ng pagdiriwang sa iyo'y iniaalay, Rosas ng Betania, ikaw ay pag-ibig pag-asa ka namin, ng gabay na nananalig. pag-asa ka namin, ng gabay na nananalig.
Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.
​
Amen.
​
DAY 2
​
MABUTING BALITA (nakatayo)
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay San Lucas (Lucas 10:38-42)
​
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
​
Nagpatuloy si Hesus at ang kanyang mga alagad sa kanilang paglalakbay at pumasok sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito'y may isang kapatid na Maria ang Pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya lumapit siya kay Hesus at ang wika, "Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako." Ngunit sinagot siya ng Panginoon, "Marta, Marta, naliligalig ka at abalang- abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito'y hindi aalisin sa kanya"
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
​
R/ Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
(Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay)
​
PAGNINILAY

​
Ang Pagmamalasakit sa kapurihan ng Diyos.
​
Isang mahigpit na tungkulin ng mga magulang at mga puno sa bahay ang pagkakalinga na ang kanilang mga anak at mga nasasakupan ay matuto ng aral ng Diyos at pakaganapin upang sila ay huwag malapatan ng kakilakilabot na pangungusap ni San Pablo: "Ang di nagkakalinga sa kanyang mga nasasakupan, lalong lalo na sa kanyang mga kasambahay. ay tumatatuwa sa pananampalataya at masama pa sa mga hindi binyagan" (1 Timoteo 5:8) Subali't ang nagpipilit na ang kanyang mga nasasakupan at mga kasambahay ay tumutupad sa mga utos ng Diyos ay totoong kinalulugdan at pinagpapala ng Kamahalan Niyang walang hanggan, gaya ng mapalad na bahay ni Santa Marta, na siyang laging tinutuluyan ng Mananakop, sa tuwing siya'y daraan sa Betania ay doon siya tumitigil Malaki nga at tanging pagmamahal, Mapalad na Santa, ang ipinakita po ng ating Panginoong Hesukristo sa inyong magkakapatid at sa inyong bahay dahil sa inyong pagpipilit na doo'y igalang ang kataastaasan Niyang kamahalan. Isang kapani-paniwalang dapat igalang na ipangaral mo ang pananampalataya sa Marsella. Iyo pong binuhay ang isang binatang nalunod, na dahil sa dakilang nasang makinig ng iyong aral ay palangoy na tumawid sa ilog ng Rodano. Ikaw rin po naman ang nagpaamo na parang tupa sa isang kakila-kilabot na dragon, sa sandaling nilamon ang isang tao. Nangyari ang milagrong ito dahil sa tanda ng Santa Krus at ng tubig ng bendita. Dahil nga dito nang mapatay mo po ang dragon ay napatirapa sa iyo pong paanan ang mga tao at ipinagmakaawa sa iyong sila ay huwag mo pong lisanin.
PANALANGIN (nakaluhod)
​
Idalangin mo kami sa Diyos, mapaghimala naming Pintakasing Santa Marta, nang maganap namin ang banal na tungkuling magmalasakit sa Kanyang kapurihan at nang kung kami'y pagpalain niya habang kami'y nabubuhay at makamtan namin ang isang magandang kamatayan. Amen
(Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.)
DAY 3
​
MABUTING BALITA (nakatayo)
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay San Juan (Juan 11:1-4)
​
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
​
May isang tao na ngala'y Lazaro. Nakatira ito sa Betania, kasama ng kanyang mga kapatid na sina Maria at Marta. Si Maria ang nagbuhos ng pabango at nagpunas ng kanyang buhok sa mga paa ng Panginoon. Nagkasakit si Lazaro, kaya't nagpasabi kay Hesus ang magkapatid, "Panginoon, ang kaibigan mong minamahal ay may sakit" Ngunit nang marinig ito ni Hesus ay sinabi niya, "Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R/ Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
(Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay)
PAGNINILAY
Ang Panalangin. Di Sukat ipag-alinlangan na ang panalangin ay kinakailangan natin sa ikagagaling ng ating kaluluwa, at iyo ay ipinag-uutos ng Diyos sa lahat ng Kristiyano. Ang wika ni Hesukristo'y: "Humihingi kayo at tatanggapin ninyo" (tingnan Mateo 7:7) - Ibig niyang ipakilala sa atin na kailangang tayo'y manalangin nang buong pag-asa. Talastasin natin na may maraming bagay na kundi natin hihingin ay hindi natin makakamtan, at ang isa dito'y ang walang kapantay na biyaya ng pananatili sa kabanalan na siyang ikapagtatamo natin ng buhay na walang hanggan sa langit. Kaya nga ang pahayag ni San Agustin at ni Santo Tomas: "Ang sinuma'y hindi magkakamit ng pananatiling ito kundi niya hihingin sa Diyos." Ganito rin ang pagninilay na tinatawag ng oracion mental na totoo ring kinakailangan sa ikagagaling ng ating kaluluwa. Dahil dito'y pinatunayan ni Propeta Jeremias na kaya napupuno ng kataksilan at kasamaan itong lupa ay sapagka't walang pagninilay-nilay nang taos sa puso ng mga katotohanang walang hanggan (tingnan Jeremias 12: 1-2) Sa katunaya'y sa gitna ng mga kaaliwan ng mundo ay hindi maririnig ang itinutugtog ng Diyos sa ating puso kaya't dapat pagpilitan natin ang ikagagaling ng ating kaluluwa. Anong laking kasawiang palad ang madaya sa bulaang udyok ng mundo! Kung naroon na at mapahamak ang kanyang kaluluwa sa kakilakilabot na apoy na di matutupok kailanman, ay saka siya magsisisi, subali't wala nang kasasapitan at magdurusa siyang walang hanggan.
PANALANGIN (nakaluhod)
O Maluwalhating Santa Marta, alang-alang sa kaningasan ng iyong loob sa pananalangin at pakikipanayam sa Diyos, ipagmakaawa mo po kami sa Kanya na huwag tumamlay at lumamig ang aming mga puso, at hingin naming walang likat ang ikagagaling ng aming kaluluwa, yayamang Kanyang ipinangako sa mga humihingi sa Kanya. Amen.
(Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.)
DAY 4
​
MABUTING BALITA (nakatayo)
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay San Juan (Juan 11:5-11)
​
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
​
Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunma’y pinaraan niya ang dalawang araw matapos mabalitaang may sakit si Lazaro bago sinabi sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” “Rabi,” sagot ng mga alagad, “hindi po ba’t kamakailan lamang ay tinangka kayong batuhin ng mga Judio? Bakit kayo pupunta na naman doon?” Sinabi ni Hesus, “Hindi ba may labindalawang oras ang maghapon? Hindi natitisod ang lumalakad kung araw, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito; natitisod ang lumalakad kung gabi, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.” Idinugtong pa ni Hesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Paroroon ako upang gisingin siya”
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
​
R/ Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
​
(Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay)
PAGNINILAY

Ang pag-aayuno at Pagtitiis ng Dilang Kahirapan. Mabuti ang panalangin na masasamahan ng pag-aayuno, ang wika ng Arkanghel Rafael kay Tobias at sa mabait niyang anak(tingnan Tobit 12:8) Sa wikang pag-aayuno ay nasasaklaw ang pagtitiis at pagpapakasakit sa katawan, gaya ng pagkaunawa ng lahat ng Santo. Kinakailangan ngang pagsamahin ang panalangin at pagpapakasakit sa katawan, gayon din naman ang pagtitiis ng dilang kahirapan at karalitaan sa buhay na ito, kung nais nating makamtan ang di masaysay nang bibig na ganti ni Hesukristo sa mga sumusunod at tumulad sa kamahal-mahalang bakas na iniwan niya rito sa lupa. Ang ganting ito'y dalisay na kaligayahan at katahimikan ng kaluluwa sa buhay na ito, at ng kaluwalhatiang walang hanggan sa langit. Dapat naman nating matalastas na ang mga walang ninanasa at pinagpipilitan kundi ang mga kaaliwangg naaayon sa likong aral ng mundo, at ang pagsunod sa mahahalay na pita ng katawan, kung sila'y hindi magbabagong buhay ay mapapahamak ang kanilang kaluluwa sa kalagim-lagim at walang katapusang apoy sa impiyerno. Bukod rito, sa buhay pa mang ito'y walang pagsalang sila ay parurusahan na ng Diyos nang mga kakilakilabot na mga kasakunaan, kapighatian at panghihilakbot ng budhi. Totoong dakila ang tiniis ng bayaning Santa, noong silang magkakapatid ay ilulan ng mga Judio sa isang daong na walang timon, walang layag, at walang kasangkapang anuman, sapagka't ang nasa niyong mga tampalasan ay mamatay sila sa gitna ng dagat, dahil kay San Lazaro, na isang tandang maliwanag ng pagka-Diyos ni Hesus, yamang ito ay binuhay niya. Datapuwa't ang Diyos ay gumawa ng isang himala nang sila ay mapadpad sa dalampasigan ng Marsella at nang magsipagbalik-loob ang mga tagaroon sa pangangaral nila.
PANALANGIN (nakaluhod)
Idalangin mo po kami, lubhang mapagpalang Pintakasi naming Santa Marta, na liwanagan ang aming mga isip nang makilala namin ang kabulaanan ng aral ng mundo, na ngayo'y totoong ikinakalat ng mga kaaway ng Santa Iglesia. Ang tunay na daang patungo sa langit ay ang aral ni Hesukristo, na totoo mo pong kinawiwilihang dinggin at iyong pinagpilitang tupdin noong ikaw ay nabubuhay dito sa lupa. Huwag nawa kaming madaya ng demonyo, at mapahamak ang aming kaluluwa dahil sa panandalian at maraming lugod. Kung mabata namin ang munting kasakitan at pagtitiis ng mga karalitaan sa buhay na ito, maging dapat nawa kaming magtamo ng dalisay na kaligayahan at katiwasayan ng diwa na ipinagkaloob ng Diyos, dito sa lupa, at ng kaluwalhatian sa langit. Amen.
(Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.)
DAY 5
​
MABUTING BALITA (nakatayo)
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay San Juan (Juan 11:17-27)
​
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
​
Pagdating ni Hesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. May tatlong kilometro ang layo ng Jerusalem sa Betania, at marami sa mga Judio ang dumalaw kina Marta at Maria upang sila’y aliwin. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin niyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Pinaniniwalaan namin ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesias na inaasahang paparito sa sanlibutan”
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
​
R/ Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
​
(Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay)
PAGNINILAY

Ang Pag-ibig at Pagkakawanggawa sa Kapwa Tao. Iniuutos sa atin ng kataastaasan at kamahal-mahalan nating Panginoon, na ibigin natin siya ng buo nating puso, nang buo nating kaluluwa, nang buo nating pag-iisip, at nang buo nating lakas. Ito ang pinakadakila at kauna-unahang utos; ngunit ang ikalawa'y katulad nito: ibigin mo ang iyong kapwa tao, para nang pag ibig mo sa iyong sarili. (Mateo 22:37-39). Ang pag-ibig na ito'y hindi bibig o sa wika lamang, kundi sa gawa, para ng pahayag ni San Juan (tingnan 1 Juan 4:19-21). Kaya nga kung makakita tayo ng isang taong nasa kahirapan o kasalatan ay dapat natin siyang tulungan o limusan. Ang pagkakawanggawang ito'y totoong kinalulugdan ng Diyos, na dito pa man sa lupa'y ginaganti na ang isa nating maipagkaloob ng makasandaang ibayo, ayon sa pahayag ng Ebanghelyo (tingan Lucas 6:38), at sa kabilang buhay na kaluwalhatian sa langit. Isa sa mga kamahal-mahalang tagubilin ng matandang Tobias sa kanyang anak ang paglilimos. "Maging maawain ka", anya, "ayon sa iyong makakayanan; kung mayroon kang marami'y magbigay ka ng marami, kung kakaunti naman ay kaunti ang iyong ibigay at ibigay mo nang maligaya... Sapagka't nagtitipon ka ng dakilang ganting-laan sa araw ng pangangailangan, yayamang ang paglilimos ay nagliligtas sa kasalanan at sa kamatayan, at hindi itutulot na ang kaluluwa'y mapatungo sa kadiliman..." (tingan Tobit 4:7-11) Dito'y dapat nating matalastas ang di mamagkanong pagpapala ng Diyos sa mapagkawanggawa.
PANALANGIN (nakaluhod)
Pintakasi naming Santa Marta, masunuring alagad ni Hesukristo, noong ikaw ay nabubuhay ay totoong tinupad mo ang matatamis niyang aral. Ipamagitan mo po kami dito sa lubhang masintahing Guro, na pagkalooban kami ng biyayang umibig sa lahat aming kapwa, pati sa aming mga kaaway, maging maawain sa mga dukha't nasasalat, na saklolohan namin ayon sa makakayanan gaya ng iyong ginawa. Tulungan rin nawa namin sa aming mga panalangin at magandang kahatulan ang mga nag-aalinlangan ng tungkol sa kaluluwa, lalo na ang mga makasalanan, na nasa malaking kapanganibang mapahamak magpakailan man, gayon din ang mga kaluluwang nasa purgatoryo na nagdaralita nang di masayod na kahirapan, upang kung masunod namin ang pagkakawanggawang ito'y maganap sa amin ang mga kaaliw-aliw na pangungusap ng ating Mananakop na ang wika: "Mapalad ang mga maawain at sila'y magkamit ng awa" (Mateo 5:7). Amen.
(Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.)
DAY 6
​
MABUTING BALITA (nakatayo)
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay San Juan (Juan 11:28-31)
​
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
​
Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag si Maria at pabulong na sinabi, "Narito na ang Guro, ipinatatawag ka." Pagkarinig nito, nagmadaling tumayo si Maria at sinalubong si Hesus. (Hindi pa nakakarating si Hesus sa nayon; naroon pa siya sa dakong kinasalubungan sa kanya ni Marta.) Sinundan si Maria ng mga Judiong umaaliw sa kanya nang siya'y nagmadaling tumindig at lumabas. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang manangis.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
​
R/ Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
​
(Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay)
​
PAGNINILAY
Ang Kapakumbabaan.
Ang kababaan ng loob, ani San Bernardo, ay siyang pinakamahusay at tagapag-ingat ng kabanalan. Sa katunayan, mababasa natin sa Banal na Kasulatan ang kalagim-lagim na pagkapahamak noong mga taong bagamat nakarating na sa mataas na kabanalan, dahil sa pagkukulang sa kapakumbabaan ay nahulog pa sila sa malalim na kapanganyayaan. At ang lalo pang kahambal-hambal ay ang pangyayaring ang karamihan sa kanila ay hindi na nakabangong muli. Kaya't pakaingatan nga natin ang kababaan ng loob at huwag nating pabayaan kailanman, sapagkat minamahal, pinagpapala't itinataas ng Diyos ang mga mapagpakumbaba. Gaya ng ating tagapag- tanggol na si Santa Marta, dahil sa kanyang kababaang-loob sa pamimintuho kay Hesus na Panginoon natin, siya ay inampon na dito pa man sa lupa, bago siya iniakyat sa kaitaasan ng langit. Gayon din naman ang lahat ng mga Banal na noong sila'y nabubuhay pa rito sa lupa ay para silang nagpakababa, kaya't sila naman ay tinaas ng Diyos at pinagkamit ng di mapuspos na kaluwalhatian doon sa mapalad na kaharian ng langit. Ang kabanal-banalang Birheng Maria, sapagkat siya ang lalong nagpakababa, sa lahat ay siya ang bukod na itinangi sa lahat ng kinapal, pinuspos siya sa lahat ng biyaya at ginawang Reyna ng langit at lupa. Kaya't nararapat nating pakailagan ang kapalaluan na siyang ikinapapahamak ng di mabilang na sawingpalad na napasama doon sa mga karumal-dumal at kalupit-lupitang mga demonyo, na noong una'y nahihiyasan ng di malirip na karikitan at luningning. Dahil nga sa sila'y nagpakataas ay pinarusahan sila ng Diyos, binawi ang lahat ng kagalingang ipinagkaloob sa kanila at inihulog sa impiyerno.
PANALANGIN (nakaluhod)
Maawaing Santa Marta, maalindog naming Pintakasi, alang-alang po sa kababaan mong loob, na ipinaging-dapat mo sa mataas na kaluwalhatian ay ipanalangin mo kami sa Diyos, na pagkalooban kami ng kababaan ng loob, na totoong kinakailangan namin sa pamimintuho sa Kanya. Sa ganito nga, kung kami'y makaraang maluwalhati sa kahapis-hapis naming paglalakbay-bayan ay magkapalad po kaming makasama mo diyan sa kaluwalhatiang walang hanggan. Amen.
(Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.)
DAY 7
​
MABUTING BALITA (nakatayo)
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay San Juan (Juan 11:38-41)
​
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
​
Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libigan. Ito'y yungib na natatakpan ng isang bato. "Alisin ninyo ang bato," sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, "Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay." Sinabi ni Hesus, "Hindi ba sinabi ko na sa iyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?" At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, "Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin." Pagkasabi nito, sumigaw siya, "Lazaro, lumabas ka!"
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R/ Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
(Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay)
PAGNINILAY
Ang Kalinisan.
Isa sa mga lalong marilag at kaayaayang kabanalan, na totoong kinalulugdan ng Diyos, at ng mga anghel at mga banal, ay ang kalinisan. Dahil dito, ang kalinisan ay tinatawag na kabanalang anghel, maningning na perlas, marikit na lirio at iba pa. Dapat nating matalastas na ang sinumang may kaunting dungis ay hindi tinatanggap doon sa sakdal ng linis at kapalad-palarang kaharian ng Diyos. "Kung ang lahat ng dungis ng kasalanan ay paglulupitan ng kamahalan niyang walang hanggan, ay lalo pa man din ang sa kahalayan." Kaya nga, sa pahayag ni Hesukristo na mapapalad ang malinis na loob, at sila'y manonood sa Diyos, ay mapaghuhulo natin na ang marurumi at mahahalay na loob ay hindi papagkamtan ng di masayod na kapalarang langit. Ang kalinisan ng loob ay ipinag-uutos ni Hesukristo sa lahat ng tao. Datapuwa't ang pag-iingat ng pagka-birhen ay tangi lamang sa mga hirang na kaluluwa, kagaya ni Maria Santisima at ng karamihan sa mga birheng nagsisunod sa kalinis-linisang Reyna. Isa na rito si Santa Maria, na sa pagkarinig ng mga kaaya-ayang pagpupuri ng mahal nating Panginoon dito sa kagila- gilalas at kalugod-lugod na kabanalan ng pagkabirhen ay nagtika nang ito ay pag ingatan magpakailanman. Tinika niyang siya'y hindi tatanggap ng ibang esposo maliban kay Hesukristo, ang kalinis-linisang esposo ng mga birhen. Ginanap nga niya ang banal na tikang ito, tinalikdan niya ang makamandag at magdarayang layaw at kaaliwan ng mundo na walang naibibigay kundi kabalisahan at pangingilabot ng diwa at sa katapusan pa'y hirap na walang katapusan. Ang hinarap niya ay ang banal na katahimikan, pag iisa't pagligpit ng lalong taimtim ang kanyang panalangin, pagbasa ng mga mahal na kasulatan, at ng iba pang mga kabanal-banalang kinakailangan sa pag-iingat ng kalinisan.
PANALANGIN (nakaluhod)
Saklolohan mo nga kami, mapagpalang Santa Marta, upang magtagumpay sa marurungis naming kaaway, na walang pinagpipilitan kundi ang mapahamak ang aming kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga lisyang hilig ng katawan. Loobin mo namang manatili kaming matibay sa pakikipaglaban sa kanyang mga tukso at daya. Idalangin mo kami at ihingi ng biyaya upang maingatan namin ayon sa aming kalagayan, ang isang malinis at banal na pamumuhay, na maghahandog sa amin ng wagas na kaligayahan. at kapayapaan ng loob. Gayon din ng dakilang pag-asa sa awa't pag-aampon ni Hesus at ni Maria habang kami'y nabubuhay, at lalong lalo po sa oras ng kamatayan. Amen.
(Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.)
DAY 8
​
MABUTING BALITA (nakatayo)
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay San Juan (Juan 12:1-3)
​
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
​
Anim na araw bago mag-Paskuwa, si Hesus ay dumating sa Betania, sa bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. Ipinaghanda siya roon ng hapunan; naglingkod si Marta, at si Lazaro'y isa sa mga kasalo ni Hesus. Kumuha si Maria ng mamahaling pabango, isang libra ng dalisay nanardo, at ibinuhos sa mga paa ni Hesus. Pagkatapos, pinunasan ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang pabango.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R/ Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
(Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay)
PAGNINILAY
Ang Pagdedebosyon sa Mahal na Birhen.
Ang pananatili sa kabanalan o ang magandang kamatayan ay isang dakilang kagalingan na di matatarok ng isipan, at di maipapahayag ng bibig. Ang mga lalo mang pantas ay hindi makakasayod na lubos ng walang makahalimbawan't walang hanggang ganti sa magkapalad na magkaroon ng lubhang dakilang biyaya ng panantili sa kabanalan o ng banal na kamatayan. Kaya nga dapat nating pagpilitang makamtan sa buo nating makakayanan wika nga ni Padre Suarez, ay walang pagsalang hindi natin makakamtan, kung hihingin natin sa Diyos hanggang sa katapusan ng ating buhay. datapuwa't dapat nating ipanalangin sa Diyos araw-araw ang pananatiling ito sa pamamagitan ni Maria nang buong galang, katimtiman at pag-asa, sapagkat kanyang ipinangako sa mga naglilingkod ng tapat sa kanya habang nabubuha; "Ang mga nagpaparangal sa akin ay magkakamit ng buhay na walang hanggan" (mga pangungusap na inilagay ng Santa Iglesya sa bibig ng Mahal na Birhen) Dapat naman nating matalastas na si Maria'y pinipintuho ng lahat ng banal, at kinikilala nilang siya ang kataastaasang Ina ng Diyos at Reyna ng langit. Isa sa kanila ang ating Santa, na buhay pa ang mahal na birhen ay naglingkod na sa kanya dito sa lupa, sapagkat si Santa Marta ay kasama noong mga banal na babaing sumunod kay Hesukristo hanggang kalbaryo. At noon namang mamatay itong maawain nating Mananakop ay hindi sila humiwalay sa tigib hapin Niyang Ina. Araw- araw ay nararagdagan ang pamimintuho, paggalang at pagsinta ni Marta sa lubhang dakila niyang Reyna. Tularan nga natin siya sa paglilingkod sa Ina ng Diyos
PANALANGIN (nakaluhod)
Lubhang masintahing Pintakasing Santa Marta, na noong ikaw po'y nabubuhay ay kataimtiman ng loob mong pinaglingkuran si Hesus at Maria. Ngayong ikaw ay lumuluwalhati na diyan sa langit ay totoong malakas ang iyong pamamagitan. ipagmakaawa mo nga po kami, dito sa lubhang maalindog na Birhen na pagindapatin kami kaming magtamo ng di masayod na kapalaran ng pananatili sa kabanalan hanggang sa oras ng kamatayan upang sa ganito'y maging karapatdapat kami sa kaluwalhatian ng langit. Hingin mo po na bago malagot ang aming hininga'y matanggap namin muna ang mga huling Sacramento, kalakip ang malalim na pagsisisi sa aming mga kasalanan, ang maningas na pag- ayon sa Kanyang kabanal-banalang Kalooban. Amen.
(Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.)
DAY 9
​
MABUTING BALITA (nakatayo)
​
Ang Mabuting Balita ng Panginoon Ayon kay San Juan (Juan 15:12-17)
​
R/ Papuri sa Iyo, Panginoon.
​
Winika ni Hesus sa kanyang mga alagad, "Ito ang wikang utos: mag-ibigan kayo gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo'y kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang mga utos ko. Hindi ko na kayo inaaring alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, inaari ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin; ako ang pumili at humirang sa inyo upang kayo'y humayo at mamunga, at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa aking Ama sa aking pangalan ay ipagkakaloob ko sa inyo. Ito ang iniuutos ko sa inyo: mag-ibigan kayo."
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
R/ Pinupuri ka namin, Panginoong Hesukristo.
(Mauupo para sa sandaling katahimikan. Pagkaraan ay babasahin ang isang pagninilay)
PAGNINILAY
Ang Pagdedebosyon kay San Jose.
Di dapat lisanin o kalimutan ng sinumang Kristiyano ang pagdedebosyon sa kalinis-linisang Esposo ng Birheng Maria na nagkalinga, nag-iwi't nagpakain nang buong pagsinta at kasipagan sa Anak ng Diyos noong siya'y nakikipamayan sa ating lipos-karalitaang mundo. Ano nga kaya ang maipagkakait sa atin ni Hesus at ni Maria kung hinihingi nitong bunyi at kaibig-ibig na Patriarka? Dinggin naman natin ang mga nakaaaliw na pangungusap ni Santa Teresa de Jesus, na kailanman ay wala siyang maalaala na hiningi kay San Jose na hindi niya ipinagkaloob. Dahil sa mga dakila't kagila-gilalas na mga biyayang ipinakamtan sa kanya ng Diyos, sa pamamagitan ni San Jose, gayon din ang pagliligtas sa kanya sa mga kapanganiban ay kanyang naihayag, "na ang ibang banal ay waring pinagkalooban ng pagtulong sa isang kailangan; datapuwa't naranasan ko," anya, "na ang maluwalhating Santong ito ay tumutulong sa lahat ng kailangan, at dito ay nais ipakilala ng ating Mahal na Panginoon na kung si San Jose ay pinintuho niya sa lupa, gayon din naman sa langit, na ipinagkaloob niya ang na sa kanya'y hingin." Bukod pa rito, dapat nating ilimbag sa ating dibdib ang isang isinaysay ng Mahal na Birhen sa "Mistica ciudad de Dios." Sa huling araw, sa paghuhukom sa lahat ng tao ay magsisipanangis nang buong kapaitan ng loob, ang lahat ng sawing palad sa hindi pagkilala, dahil sa kanilang mga kasalanan kay San Jose, na totoong malakas at mabisang paraan sa kanilang ikagagaling. Hindi nga nila ginamit ang paraang ito sa kanilang kakayahan upang makamtan nila ang pakikipagtoto sa matuwid-tuwirang hukom.
Mamintakasi nga tayo dito sa lubhang maawaing tagapag-ampon araw-araw sa pagninilay at pagdarasal ng kanyang pitong sakit at ligaya gayon din tuwing ikalabing-siyam ng buwan at tuwing pista ng banal ay dapat tayong makinabang, gaya ng ginagawa natin sa mga kapistahan ni Hesus at ni Maria, nang sa dilang kapanganiban hanggang sa magtamo tayo ng isang magandang kamatayan gaya ng sa kanya, sa piling ni Hesus at ni Maria. Sa ating mga karalitaan, kapighatian at sa alin mang hilahil at sakuna ay huwag nating kalimutan ang pagdaing at pag- ampon kay San Jose sapagkat siya'y lubhang marami nang iniligtas sa kapanganiban, at pinagkalooban ng mga tanging biyaya sa kanyang pamamagitan.
PANALANGIN (nakaluhod)
Pintakasi naming Santa Marta, yayamang ikaw po ay naririyan sa langit, at natatalastas mo ang dakilang kapangyarihan ni San Jose, ay ipagmakaawa mo sa kanya na magkaroon kami ng tunay na pamumuhay-Kristiyano at matularan ang kanyang kalinisan, kababaan ng loob at ang katiisin sa mga karalitaan, at kapagalan sa pagganap ng mga utos ng Diyos at ng mga sariling tungkulin, upang sa gayo'y maging dapat kaming magkamit ng kaluwalhatian sa langit. Amen.
(Magdarasal ng tatlong Ama Namin, tatlong Aba Ginoong Maria, at tatlong Luwalhati na maipatutungkol sa mga kaluluwa sa Purgatoryo.)